(Tribute to my beloved Mother)
Isang buwan nanaman ang lumipas, apatnapung araw na din ang anghel namin,ngaun ko lang naisip na buwan ng “ber” nanaman. Sabay ng paglamig ng simoy ng hangin, lasap ko ang mga alaala na tangay-tangay nito. Una na rito ay ang nalalapit naming kaarawan ng aking maybahay, buwan ng “libra” simbolo ng hustisya at pagiging balanse ayon sa Diyos ng Bathala. Isa sa hindi ko malilimutang araw ay kung paano namin pinasaya ang isa’t isa. Ang makulay na banderitas at ang aming munting handa na pinasarap ng pagibig at lambingan. Masasabi kong wala nang mas hihigit pa sa mga sandaling pinagsaluhan namin. Di kaila na iyon din ang buwan na huli kong nakasama ang aking ina. Nasa ika-unang baitang palang ako nuon para sa kursong Industriya ng Agham sa Paglikha (B.S. Industrial Engineering) ng iwan niya kami sa araw mismo ng aking kaarawan. Kasabay ng kasiyahan ang lungkot ng kanyang paglisan. Sa kabila ng apat na taon ko lamang nakasama at nakilala ang aking ina, ramdam ko ang hirap at sakripisyo niya sa aming magkakapatid. Kagaya ko ngaun, naituring ding bagong bayani dahil sa paghihirap niyang mangibang-bansa para mabigyan kaming magandang kinabukasan. Isang mapagmahal at malambing siyang ina, gaya ng iba, ulira’t mapagparaya sa lahat ng bagay – lalo na sa pagibig sa aking ama. Laman sa aking mga alaala ang mga pinagdaan niya, sa kabila ng mga kalungkutan pilit kong iniisip ang mga masasayang araw namin. Bilang rito ang mga sandaling ibinuhos niya sa akin nung akoy nasa sekundarya pa lamang. Araw araw niya akong dinadalhan ng masasarap na pagkain sa aming paaralan na tila’y pinupunuan niya ang mga panahong hindi ko siya nakapiling. Gayundin and mga nakaw na sandali nila ng aking ama na animo’y mga batang magsingirog na nagtatago sa kanilang mga anak. Datapwa’t hindi sila kasal sa harap ng Diyos, kitang kita ko sa kanilang mga mata ang mga eksenang “sanay tayong dalawa na lang ang itinakda”. Naruon din ang mga panahong pilit akong niyayakap at hinahalikan ng aking ina sa harap ng aking mga kaibigan at kamagaral. Dala ng aking pagibibinata, tangay nito ang aking pagkahiya at bansagang “mama’s boy”. Gayunpaman, kalian ma’y hindi ko ikinahiya ang kabuuhan ng aking ina.
Kalakip ng mga buwan nito ang panahon ng pinakamasayang araw sa buong taon – ang pasko. Paborito kong marinig iyong mga kataga na “your like a breathe of fresh air in a Sunday Mass of a Christmas morning”. Tuwing sasapit ang disyembre, naghahalo sa akin ang pakiramdam ng kalungkutan at saya. Lungkot dahil hindi ko naranasan ang magkaroon ng Ninong at Ninang, mabigyan ng mga magagarang regalo (kaya madami ang mga ninong at ninang ni angela), at dahil sa iilang pasko lamang na magkasama-sama kaming pamilya. Taong milenyo nang huli naming nakapiling si papang at ang nanay, kasama din ang kapatid naming si Rhodalyn. Isa kaming larawan ng buo at masayang pamilya sa panahong iyon na kung sino man makakita ay masasabing pinagpala ang pamilyang balot ng mga ngiti sa mata.
‘Ber nanaman, pero ngaun alam kong magiiba na ang lahat sa akin. Hindi na katulad ng mga nakaraang akoy nagiisa. Ngaun, akoy isang haligi at pundasyon na ng tahanan, gaya ng akin ina, labis kong inaasam na mabigyan ang aking magina ng magandang buhay. Alam kong maligayang maligaya ang nanay na nakikita niya kaming magkakpatid na maayos at may masasayang pamilya. Sa kabila ng mga kakulangan at pangungulila, nanantiling huwaran at nagiisa ang aking ina sa aking puso.